Hindi ibig sabihing niloko ka nung una, eh lolokohin ka ng mga susunod pa.
Kaya nga sinabing magkakaiba ang bawat tao. Kung ano man yung ginawa ng isa ay maaaring gagawin ng susunod o hindi na. Hindi ibig sabihing sinaktan ka ng taong minahal mo ay sasaktan ka rin ng taong mamahalin mo pa. Kung sa limang lalakeng minahal mo eh lima rin silang nanggago sa’yo, hindi ibig sabihing ganun din ang gagawin ng pang-anim, pangpito o pangwalong taong darating sa buhay mo. Baka nagkataon lang na separated at birth lang yung limang yun o baka naman nasa sa iyo rin ang problema.
Sa mga babae, hindi ibig sabihing niloko ka ng dati mong kasintahan at niloko rin ng kasintahan ang best friend mo, eh sasabihin mong pare-pareho lahat ng mga lalake. Sa mga lalake naman, hindi ibig sabihing malandi yung dati mong kasintahan eh malandi na rin lahat kaming mga babae.
Ano pa’t ginawa tayong magkakaiba kung ang konklusyon natin eh pare-pareha ang lahat ng tao sa mundo. Ano pa’t magmamahal ka bukas kung inuusig ka pa rin ng sakit ng kahapon?
Hindi tamang itulad mo ang isa sa marami. Hindi tamang ang pagkakamali ng isa ay pagkakamali ng marami. Hindi marangal.