Pre-exam madness:P

Sa halos sampung taong tinanungan ko kung anong magandang ifeature sa isang school paper, LINTEK lang ang hindi sumagot ng LOVE. Tatlong beses akong nag-isip kung susulat ba ako ulit o hindi. Tatlong beses pa ulit. Tatlong ulit pa. At tinigil ko na. Wala ako mapapala sa kakaisip kung di ko pagaganahin ang mga kamay ko sa pagtipa ng keyboard. Pero anong isusulat ko??

Labing siyam na taon na akong nagloloko sa mundo na ito. Mahigit kumulang sampung taon dito ginamit ko sa paghahanap ng prinsepeng ni sa kwento ni lola Basyang hindi ko narinig. Sampung taon na din pala ang nasasayang ko, kung iisipin, ang sakit sa utak.

LOVE. Sa tagalog, PAG-IBIG. Pag-ibig na kahit araw-araw mong naririnig eh malabo pa rin sa'yo. Salita na kahit yung pinakamagandang diksyunaryo eh hindi kayang bigyan ng saktong kahulugan. Equation na kahit siguro yung pinakamagaling na Mathematician, hindi kayang sagutan. Laro na kahit yung pinakamagaling na player eh natatalo. Drama na kayang magpaiyak kahit ng mga taong pinakabato. Mabuti pa yung exam, pagpupuyatan mo ng dalawang gabi, ayos na. Alam mong papasa ka. Ang Pag-ibig, isang buwan kang hindi patutulugin. Tapos minsan, borlogs ka pa rin.

Aminin man natin o hindi, mas problema ng mga estudyante yung buhay pag-ibig nila. Kung hindi tungkol sa date ang ikukwento nila, tungkol naman sa mga sweet messages na sinesend sa kanila. Pero madalas away. Madalas lokohan. Madalas selosan. Pero ang pinakamasakit na makaka-relate ako eh yung pag-ibig na hindi na tugunan, pag-ibig na tinapos kahit di pa nasisimulan. Hahahaha. Sa tingin mo sino pa ang may PAG-IBIG ang nakalista na numero unong problema nila? Mga magulang natin? Hindi. Mas pinoproblema nila kung paano nila ibubudget ang halos di magkasya na sweldo nila sa buong pamilya. Mga guro natin? Hindi rin. Mas iniisip ata nila kung papaano hihilain ang grado ng mga pasang awa. Mga nagtatrabaho? Hindi rin. Kasi ang hindi nagpapatulog sa kanila eh yung pag-isip kung kelan sila sisipain sa trabaho. Tayo lang. Mga estudyanteng walang ginawa kundi tumingin sa labas ng silid-aralan upang antayin ang pagdaan ng kung sinong demonyong nagnakaw ng mga puso natin. Natapos na ng guro mo ang course outline niyo, hindi pa rin nakakarating ang espiritu sa classroom mo. Corny ba? Eh wala kang magagawa. Try mo nga pag-usapan ang pag-ibig ng walang kakornihan? Kahit siguro yung pinakasigang tambay dito sa amin kapag narinig mong nagsabi ng "I LOVE YOU" eh masusuka sa kakornihan.

Kung ganun ba, pwede tayong magrequest sa CHED na magdagdag ng subject na LOVE 101? Pag-aaralan sa klase simula sa basic hanggang sa comlicated. May course outline na:

  • What is love?
  • How to fall in love?
  • Fast facts about love?
  • At kung ano pang gusto niyong ilagay. Kayo na mag-isip

Maiisip mo, kapag pinag-aralan yan, lahat ng tungkol sa pag-ibig may batayan. Magiging pantay-pantay ang paniniwala ng lahat. Wala ng masasaktan. Wala ng magagago, wala ng manggagago. Wala ng magpapaiyak, wala ng iiyak. Wala ng magpapaasa, wala ng aasa. Kapag may ganito, papasa ka kaya o baka tulad ng grado mo sa Math, ikakahiya mo rin ang nakuha mo sa subject na ito?

Pero hindi eh. Ang Pag-ibig naman ay hindi dapat nakabase sa libro. Hindi naman dapat tinuturo ng mga brokenhearted ding guro, hindi kailangang makakuha ng perfect score sa exam para sabihing marunong ka magmahal. Kung ganito lang din naman, bakit pa pag-ibig ang tawag?

Sa labing siyam kong paglalakwatsa sa mundo na ito, isa lang ang natutunan ko sa pag-ibig na yan. Ikaw lang mismo ang magtuturo sa utak at puso mo kung anong ibig sabihin ng salitang yan. O hindi lang basta salita, sabi nga ng iba, kundi isang gawa. Pag-ibig na walang standard na basehan dahil depende yan sa nagmamahal. Hindi pwedeng ganito ka magmahal at ganun rin siya. Bumagsak ka man, pwede mong balikan. Pwede mong balikan ng ilang beses. Wala kang sasayangin na matrikula, kundi oras kung medyo inabuso mo yung salitang katangan. Oo, magpakatanga ka sa pag-ibig pero walang babagsak sa'yo kundi sarili mo. Huwag ding magmadali dahil katulad ng lahat ng bagay, ang pag-ibig may tamang oras.

Habang wala pa yun, magsaya ka. Magsayang ng oras paminsan-minsan. Subukan magkamali at matuto sa huli. Mag-aral ng mabuti para sa magandang kinabukasan. Hindi magtatagal, darating yung Pag-ibig na inaantay mo. Ikaw man ang pinakabobo sa klase niyo, ikaw naman ang valedictorian sa puso niya. Sa wakas tumama ka rin:))


KUNG GUSTO NIYONG MAGSAYANG NG ORAS, BASAHIN NIYO TO. NO HARSH COMMENTS ALLOWED. HAHAHAHA :p